HISTORY - Kasaysayan ng Barangay Bahay Pare
Bahay Pare Chapel. image courtesy of Wikimapia |
Ang nayon ng Bahay-Pare ay may angking maningning na kahapon…Ang nayong ito ay siyang unang kabayanan ng bayan ng Meykawayan.Tinawag itong “Bahay-Pare” sa kadahilanang pinagbayanan umano ng mga misyonaryong pari noong panahon ng mga kastila.Ang tiyak na lugar na maaaring tawaging “Duyan ng mga Kristiyanismo” ay tinatawag na “Sitio Toril” o pook ng mga toro. Ang binhi ng pananampalatayang Kristiyano ay isinabog sa bayan ng Meykawayan noong 1578 nina Padre Juan de Plasencia at si Padre Diego Oropesa.Pawang mga kabilang sa unang bugso ng mga Pransiskanong misyonero na dumating sa Pilipinas noong 1577.Sa isang nayon sa kabukiran ng silangang bahagi ng Meykawayan,sa isang na kung tawagin ay “Sitio Toril” (ngayo’y sakop ng Bahay-Pare) umusbong ang binhi ng kristiyanismo.Dito nagsimula ang matagumpay na paghahasik ng Mabuting Balita ng Kaligtasan. Ang unang simbahan sa ilalim ng pamimintuho kay San Francisco de Asis.Ito ay malawak na bakuran kung saan kumukuha ng ikinabubuhay ang mga prayle.Halos sampung taon din ang inilagi ng simbahan sa kanyang unang kinalalagyan,ngunit noong 1588,dinalaw ng malakas na bagyo ang pook na ito,na siyang sanhi ng pagkagiba ng simbahan at ng mga bahay na katabi nito.Sa utos ni San Pedro Bautista inilipat ang simbahan sa Lagolo,sa pamamahala ni P. Artemio de Nombela,ministro ng naturang bayan.
ANG MGA MAMAMAYAN NG BAHAY PARE
Sa pagkatatag ng simbahan sa pook ng Bahay-Pare kasabay na natayo ang pamayanang Meykawayan. Ito’y sa gilid ng ilog na dinadaluyan ng mga Bangka at kasko na nagdadala ng mga kalakal at sari-saring paninda sa bayan-bayanan na ito ng Meykawayan. Ang taguring Bahay-Pare ay nananatiling taguri sa nayon ng Bahay-Pare ang unang pinagtayuan ng simbahan ng Meykawayan at unang pamayanan ng Meykawayan .Nagpatuloy ito sa masiglang pamumuhay mula noon hanggang sa kasalukuyan.Ang pagsasaka sa malawak na bukiran,pag-aalaga sa mga hayop sa bakuran, pagtitibag ng bato sa pook tibagan (kung saaan naroroon ang malaking tipak ng bato).Ito ang ilan sa mga hanap buhay ng mga masisipag na mamamayan ng Bahay-Pare,gayundin ang pagluluto nla ng suman,halaya,leche plan,at kakaning dinadala pa nila sa iba’t ibang kabayanan ng Meykawayan.
Patuloy ang mga mamamayan sa masiglang pamumuhay, pagtutulungan, pagdadamayan,mga palusog, at mga bayanihan at higit sa lahat ay masiglang pagdaraos ng iba’t ibang pagdiriwang. Mula noong taong 1920 ang fiesta ng Bahay-Pare ay idinaraos tuwing unang sabado, ngunit sa kasalukuyan ay ginaganap na ito tuwing unang linggo,pagkatapos ng linggo ng pagkabuhay.Hindi nila idinaraos ang fiesta sa simpleng araw,sapagkat abala ang mga tao sa “Pagdadalatan” o ang pagsasabog ng binhing palay o pagsasaka. Tuwing buwan ng Oktubre at hindi pa pumapatak ang ulan,ay nagdaraos sila ng “Lutrina”.Ito ay pagkakaroon ng prusisyon sa daan at isinasagawa ang pagsigaw ng pagdarasal.Ito’y paraan nila ng paghingi ng ulan sa Poong Maykapal.Sa ganitong buwan din idinaraos dito ang pagdarasal ng Santo Rosario sa loob ng Bisita. Kung buwan ng Mayo ay ginaganap ang “Flores De Mayo” may inanyayahang dalawampu’t apat na dalaga na may dalang bulaklak. Sinusundo ang mga dalaga ng mga batang nakadamit anghel at inihahatid nila ang mga bulaklak sa Mahal na Birhen habang inaawit ang “Flores De Mayo”. Sa katapusan ng buwan na Mayo ay binubuo naman ng komite ang “Pabasa” sa Kwaresma.Taon-taon ay nagpapalit-palit ang bumubuo ng komite, ang gawain ng naturang komite ay isaayos at idaos ang pagbasa ng pasyon,pinupuntahan ang bahay-bahay upang humingi ng abuloy na gagamitin sa “Pabasa”.Ito ay ginaganap tuwing ikatlong istasyon ng “Via Cruz” na noon,mula sa araw ng biyernes hanggang sabado. At sa ngayon ay ginaganap mula sabado hanggang linggo. ·
ANG KRUS NG SITIO TORIL
Isang krus ang itinayo ng mga prayle sa kanilang pinagmimisyonan kasabay nito ang pagtatayo ng isang kubo o “tuklong” na nagsisilbing tuluyan nila sa kanilang pamamalagi at pook nadasalan na rin.Ang kubong ito ang nagsisilbing unang simbahan para sa katutubo.Ang krus ay iniwan ng mga prayle sa kanilang unang simbahan ng lumipat sa Lagolo.Ang krus na ito ay kasalukuyang nasa pangangalaga ni G.Fidel Amparo. Sinasabing ang krus na ito ay nakuha pa sa kanilang mga ninuno sa guho ng unang simbahan (ngayo’y pag-aari ng kanilang pamilya) ayon sa huli ang pangangalaga sa krus ay nagmula kay G. Pedro Diaz. Noong taong 1940 binago ang krus sapagkat napakabigat dalhin ito sa prusisyon at kailangan mag-anyaya pa ng mga taong bubuhat nito.Sa ngayon ang Sitio Toril ay inilagak muli sa pangangalaga ng Bisita ng Bahay-Pare.Ang krus na ito ay paminsan-minsan ay hinihiram ng Dioses ng Malolos at Parokya ng St. Francis De Assisi bilang pagpaparangal sa pinakamatandang krus ng Meykawayan.
ANG KULTURA NG BARANGAY BAHAY-PARE
Ang Barangay Bahay-Pare ay mayroong iba’t ibang mga iniingatan at pinangangalagang mga kultura dahil ito ang isa sa mga yaman ng aming barangay na kung saan ay ito ang naging tulay sa pagkakaroon ng isang makabuluhang barangay sa Meykawayan,ito ang Barangay Bahay-Pare.Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga tanyag,natatangi at ipinagmamalaking mga kultura ng Barangay Bahay-Pare: ·
3 KINGS O PASKONG BUKID
(Ginaganap ito tuwing buwan ng Enero bilang parangal at pagpupuri sa tatlong hari o pantas na dumalawat naghandog ng alay kay Hesus noong siya ay isilang.Tuwing ipagdiriwang ito mula ika-6 hanggang ika-8 ng Enero ay namamasko ang mga bata gayundin na rin ang mga matatanda).
MGA FIESTA
(Ipinagdiriwang din sa aming barangay ang iba’t-ibang mga fiesta kada-taon upang hindi ito mapabayaan at maging parte pa rin ito ng tradisyon sa barangay).
FIESTA NG MGA PATRON
(Ipinagdiriwang tuwing ika-1 ng Mayo.Ang patron ng Bahay-Pare ay si San Jose na isang magsasaka.Ginaganap ang pistang ito dahil ang aming barangay ay bukid noon at pagsasaka ang pangunahing hanap-buhay rito.Nagkakaroon din ng misa ng siyam na araw,mga palaro at iba pang mga aktibidad).
PISTA NG MGA PATAY
(Ipinagluluksa ng mga tao ang kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.Nag-aalay sila ng mga panalangin para sa mga yumao.Nagpapamisa rin upang maiparating ang ating pananampalataya.Nagiging tulay ang Fiesta ng mga Patay sa pagkakabuo muli ng mga pamilya at magkakamag-anak sa pamamagitan ng pagdalaw sa sementeryo.
FLORES DE MAYO ·
(Dinaraos tuwing buwan ng Mayo at matapos naman nito ay ang sagala).
SIMBANG-GABI
(Isinasagawa pa rin tuwing Disyembre bago sumapit ang Pasko sa kabayanan at kabukiran.Ginaganap ito sa Bahay-Pare Chapel.
BARANGAY FLAG CEREMONY
(Ginaganap tuwing unang Lunes ng Buwan.Dito ay magsasama-sama ang mga nanunungkulan sa barangay upang umawit ng Lupang Hinirang.Matapos nito ay ilalahad nila ang nagawa nila sa loob ng isang buwan.Gayundin,pinairal din nila ang flag ceremony sa mga paaralan upang magbigay ng pagkilala sa ating watawat.
MEDICAL MISSION KADA-TAON
(Taon-taon ito isinasagawa upang magbigay nga libreng serbisyo sa pagpapagamot ng mga nangangailangan. Ilan lamang iyan sa kultura ng Barangay Bahay-Pare na talagang ipinagmamalaki.Napakahalaga nito dahil ito ay nakatatak na sa mga mamamayan rito at tanging panahon na lang ang makapagpapabago nito.Dapat itong pahalagahan ng mga nasa katungkulan at sila ay dapat na maging modelo upang mapaunlad pa ang ating kultura sa tulong na rin ng mga kabataang naninirahan dito.
TUNAY BANG MAUNLAD ANG BARANGAY BAHAY-PARE?
Sa ngayon ay hindi pa masasabing talagang maunlad na ang Barangay Bahay-Pare kung ihahalintulad sa ibang mga Barangay ngunit pinipilit at sinusubukan ng ating Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan na maisulat sa kasaysayan na ang Bahay-Pare ay isa ng maunlad at mayaman na barangay hindi lamang sa Meycauayan kundi pati na rin sa buong Pilipinas.Maisasakatuparan lamang ito kung mayroong disiplina ang mga mamamayan at kung magagampanan ng tama ng mga nakaluklok sa puwesto.
SAGISAG NA PATULOY ANG PAUNLAD NG BAHAY PARE.
Hindi man maunlad ang Barangay Bahay-Pare kung ikukumpara sa iba ngunit may mga palatandaan pa rin na maunlad ang aming Barangay. Isa sa mga halimbawa nito ay ang ipinagmamalaking produkto ng aming barangay,ang iba’t Ibang uri ng mga minatamis gaya ng leche flan,suman at halayang ube. Malaki ang naitulong nito upang maipakita na mayaman ang ating barangay dahil ito ay nagmula pa sa kanilang mga ninuno na patuloy na naiipamana hanggang sa ngayon at isa pa sa dahilan ng paglago ng mga produktong ito ay dahil sa mahal ng mga may-ari ang kanilang mga ginagawa.Bukod naman sa mga produktong minatamis ay nariyan din ang mga pabrika.Isa sa pinakakilalang pabrika ditto ay ang Steel Asia o pagawaan ng mga bakal at marami pang iba.Hindi lamang ang aming barangay ang nagpapakita ng kaunlaran kundi pati na rin ang mga masisipag at matitiyagang mga mamamayan.
ANG KABUHAYAN SA BARANGAY BAHAY-PARE.
Sa Barangay Bahay-Pare ay mayroong iba’t ibang mga kabuhayan na talagang nakakatatak na sa buhay,dugo,tradisyon at kultura.Dahil sa mga ito ay makikilala at mahuhubog ang kagandahan at kahiwagaan na mayroon ang Barangay Bahay-Pare. Ang ilan sa mga kabuhayan sa barangay na ito ay ang mga sumusunod.
PAGSASAKA
Mula pa man noong panahon pa ng mga Kastilang Pari na nanahan sa Barangay Bahay-Pare ay isang malawak na bukirin at kagubatan kaya naman pagsasaka na ang kabuhayan at pinagkakakitaan mula pa noon.Ang pagsasaka ay isang marangal at simpleng hanapbuhay noon ngunit isang hiwaga ang naganap dahil sa paglipas ng mahaba at masalimuot na panahon ay naipamana pa rin ang gawaing ito hanggang sa ngayon.Ipinagmamalaki ang pagsasaka sa barangay na ito dahil ito ay parte na ng kultura mula pa noon hanggang sa ngayon at ito pa rin ang pangunahing ikinabubuhay ng ilan sa mga mamamayan.Bukod pa sa mayroon na silang hanap-buhay ay nakakatulong rin ang mga bukuring ito dahil sa ito ay magandang tanawin ng aming barangay at ito ay nakakatulong din sa pagbawas ng polusyon. Dahil sa kahalagahan ng pagsasaka at ng mga bukirin,patuloy pa rin itong binibigayan ng importansiya at sapat na atensiyon upang mapangalagaan ang kabuhayan at kultura.Isang halimbawa nito ay ang pagkakaroon Komite sa Agrikultura na pinamumunuan ng ating lingkod na si Kagalang-galang Konsehal Leonardo Bernardino Jr. upang lalo pang paunlarin ang larangan ng pagsasaka at panatilihin ang hanap-buhay na ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.
MGA PABRIKA
Pabrika pa ang isa sa mga hanap-buhay ng mga mamamayan dito sa pamamagitan ng pagiging isang empleyado. Nakakatulong din ang mga pabrika sa pag-unlad at pagyaman ng Barangay Bahay-Pare ngunit nagdudulot ito ng polusyon. Magandang balita naman na ang mga pagsusulit dahil sa maganda nitong kalidad.
Ang mga pagkaing minatamis ay ang mga pagkaing tanyag ng Barangay Bahay-Pare at kabuhayan ng mga mamamayan.Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
LECHE FLAN
Ito ay isang uri ng minatamis.Noon pa lamang ay nasa Pilipinas na ang Leche Flan.Nagmula ito sa rehiyon na naghihiwalay sa Pransya at Espanya. Dinala naman ng mga Espanyol ang pagkaing ito ng mapasailalim ng Espanya ang kapangyarihan ng Pilipinas.Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito nawawala dahil pangunahin pa rin itong hanap-buhay sa barangay na ito na naipamana sa kanilang angkan.
SUMAN
Suman ang isa pa rin sa mga pagkaing ipinagmamalaki ng Barangay Bahay-Pare na siya rin namang hanap-buhay ng mga mamamayan dito.Mula pa noon ay suman na ang tinatangkilik na pagkain ng mga dumarayo dito.
HALAYANG-UBE
Halayang-ube pa ang isa sa mga masarap na minatamis na matatagpuan sa Barangay Bahay-Pare. Hanap-buhay rin ito ng mga mamamayan dito kaya naman malaki ang ginangampanan nito sa barangay.
source : Meycuayan Culture