Opisyal na Pahayag

Opisyal na Pahayag
Opisyal na Pahayag ng Meycauayan City Health Office. image courtesy of Meycauayan City Information and Community Relations Office

 What : Opisyal na Pahayag
 Where : Meycauayan City Hall
 When : January 18, 2019
 Who : Everyone
 Details : OPISYAL NA PAHAYAG
January 18, 2019

Bilang tugon sa usapin ukol sa kawalan ng pampublikong ospital sa Lungsod ng Meycauayan, nais po naming ipabatid na ang problemang ito ay minana pa natin sa nakaraang administrasyon at marami pang kinakaharap na usaping legal. Ang problemang ito ay nagmula sa isang kontratang pinasok ng nakaraang administrasyon kung saan ang gusaling ipinatayo na inaasahang magiging pampublikong ospital (na tinawag na Meycauayan General Hospital o MGH) ay ipinaupa nila sa isang pribadong grupo taliwas sa hangaring ito ay makapagserbisyo sa mga kapos-palad na Meycaueños. Sa madaling salita, hindi direktang nakatutugon sa pangunahing pangangailangang pangkalusugan ng mga taga-Meycauayan ang MGH sapagkat ito ay patatakbuhin bilang isang pribadong ospital.

Nang madiskubre ang nasabing iregularidad, agad na humanap ng mga paraan ang kasalukuyang administrasyon upang mabuksan muli ang usaping ito sa layong matupad ang hangarin ng MGH na makapagbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga kababayan nating nangangailangan. Subalit, sa kasamaang palad, ay hindi pumayag ang pribadong grupo na nabigyan ng kontrata.

Hinihiling po ng City Health Office ang pang-unawa ng bawat isa kaugnay sa usaping ito at patuloy pong aasahan ng Pamahalaang Lungsod ng Meycauayan ang suporta ng bawat isang nasasakupan nito sa mga proyektong magpapaunlad sa ating mahal na lungsod.

Lubos na gumagalang,

DR. ABELARDO B. BORDADOR
City Health Officer
City Government of Meycauayan
 Contact Person :  Meycauayan City Health Office
 Contact Number :  (044) 919- 8020 to 8029
 Website : Meycauayan City Government