Bukas na Liham sa mga MEYCAUEÑOS sa isang Linggong Enhanced Community Quarantine

Bukas na Liham sa mga MEYCAUEÑOS sa isang Linggong Enhanced Community Quarantine

Bukas na Liham sa mga MEYCAUEÑOS sa isang Linggong Enhanced Community Quarantine

Bukas na Liham sa mga MEYCAUEÑOS sa isang Linggong Enhanced Community Quarantine


Bukas na Liham ni City Mayor Linabelle Villarica para sa mga MEYCAUEÑOS sa isang Linggong Enhanced Community Quarantine


BUKAS NA LIHAM para sa mga minamahal kong Meycaueño:

Tayo’y nasa isang linggo na ngayon sa pagpapatupad ng ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE sa buong Luzon. Biglaang life-style change ito para sa ating lahat. Ang simpleng paggising, pagkain, at pagpasok sa trabaho o paaralan ay nabulabog, nalimitahan, o pinatigil. Sa loob ng mga sumunod na oras at araw, nagkaroon ng curfew, quarantine pass para makapamalengke, at pinakamasakit sa lahat, sa ating mga arawan kung sumahod, pagharap sa kawalan.

Kami man sa inyong lokal na pamahalaan ay nakaabang sa pambansang pamahalaan para sa mga pagbaba ng mga alituntunin hinggil sa kalakip na hamon ng enhanced community quarantine: kabuhayan sa gitna ng paglaganap ng COVID 19.

REAL TALK PO TAYO: Mahigit tatlong beses na ang itinaas ng kaso ng COVID 19 sa buong bansa, sa loob pa lamang ng isang linggo. Ayon sa mga ulat ng DOH, noong Marso 15, 2020, ang bilang ng mga kaso ng COVID 19 ay nasa 140 at 12 ang namatay. Ngayong Marso 22, 2020, umabot na ito sa 380 at 25 na namatay. Kung magpapatuloy ang ganitong kabilis na pagdami sa kaso ng COVID 19, hindi ito kakayanin ng ating health care system. Napakalimitado po ang bilang ng Intensive Care Units at mga medical professionals sa buong bansa.

Lilinawin ko lang po: Sa ngayon ay COVID 19 free pa ang Meycuayan. Sabay-sabay at sa iba’t ibang larangan, kumilos tayo upang tugonan ang kinakaharap ng ating lungsod sa pagsugpo sa COVID 19 — ang kalabang hindi natin nakikita. Ito po ay pag-uulat ng isang linggong pagtugon natin:


FOOD SECURITY. Kasama natin ang ating mga barangay sa pagtiyak na may makakain ang pinakahirap at pinaka-apektado dahil sa pagsasara ng ating mga lansangan at tigil-pasada ng mga pampublikong sasakyan. Nauna na tayo sa pagbaba ng tulong sa mga barangay ng mga sako-sakong bigas. Pangungunahan ng ating City Social Welfare & Development Office, sa pakikipag-ugnayan sa ating mga barangay, ang distribusyon ng ating mga food packages sa darating na mga araw. Kasalukuyang nagre-repacking na para sa family food packs. Hinihintay na rin natin ang karagdagang food packs

na ni-request natin sa Department of Social Welfare and Development at iaayon natin ang pamimigay sa alintuntunin ng Department of Interior & Local Government.

INFECTION CONTROL. Lunes ng gabi, Marso 16, 2020, inumpisahan na nating mag - disinfect sa City Health Units (CHUs), City Government offices, at maging sa common terminal - bagama’t ipinasara na ito kinabukasan matapos ibaba ang pambansang direktiba na enhanced community
quarantine at nagpapasalamat tayo, na naki-ayon na rin ang mga PUVs sa pagtigil-pasada. Martes, Marso 17, 2020, nagbaba na tayo ng mga high capacity disinfecting equipment kasama ang mga kailangan na solution at karagdagang mga galon-galong alcohol sa lahat ng barangay para magkaroon sila ng karagdagang kakayanan sa disinfection sa kani-kanilang lugar. Banggitin ko na rin na bago pa man itinuring ang COVID 19 na isang health emergency sa ating bansa, Pebrero 17, 2020, namigay na tayo ng mga thermal scanners sa lahat ng DepEd Schools at City Health Units (CHUs) natin.

TESTING PARA SA COVID 19. Ipinapatupad ng ating LGU ang referral system ayon sa proseso ng DOH para sa ating City Health Office. May walo

(8) po tayong CHUs at 32 Health Stations. Kapag naghihinala kayo na mayroon na kayong COVID 19 o may nalalaman kayong may COVID 19, ipagbigay-alam sa inyong mga barangay para i-ugnay nila ito sa pinakamalapit na CHU. Ang mga duktor at health personnel ang magsasala at isinasangguni sa City Health Office kung sino ang dapat nang isakay sa ambulansiya patungo sa Bulacan Medical Center para sa testing. Hindi po sila tumatanggap ng pasyente for testing kung walang referral mula sa ating City Health Office. May dalawang ambulansiya tayong exclusibo para sa COVID 19 patients na nakatalaga sa bayan at sa bukid area. Nagtalaga na rin tayo ng command center para sa Persons Under Monitoring (PUMs) at isolation center na maaring pagdalhan kung sakaling dumami ang mga Persons Under Investigation (PUIs). Nasa 24/7 na ang operasyon ng ating hotlines 0906-622-4206 at 0949-332-4827 para ma-alerto tayo sa mga maaaring may COVID 19.

PAGTATAGUYOD NG CHECKPOINTS. Biyernes, Marso 13, 2020, kumilos na tayo para tulungan ang PNP Meycauayan sa

paglalagay ng mga checkpoints. Hindi po biro-birong mobilisasyon at koordinasyon ang ating ginawa, kasama ang mga Kapitan ng bawat barangay para dali-daling mailagay na sa lugar, sa loob lamang ng 24 oras mula nang tayo’y abisuhan ng PNP Meycauayan, ang checkpoints pagsapit ng hatinggabi ng Sabado, Marso 14, 2020. May mga nakatayo nang checkpoints para sa umpisa ng enhanced community quarantine nang Linggo, Marso 15, 2020 bilang malawakang paglilimita ng daloy ng mga sasakyan at tao.

Sa ating checkpoints, tuloy-tuloy na sinasagot ng ating LGU ang mga: 1) Disinfection tools katulad ng thermal scanners, face masks, hazmat suits, at alcohol; 2) Communication tools katulad ng mga two-way radios; 3) Mga pasilidad katulad ng tents, mga mesa’t upuan, tent lights, at flashlights; 4) Pagkain at tubig ng lahat ng mga nakatalaga doon na mga kapulisan, sundalo, bumbero, rescue team, mga BHW at barangay tanod para epektibo nilang ipatupad ang quarantine. Nagtalaga din tayo ng ambulansiya para sa kanilang exclusibong gamit.

Tayo pong lahat ay nabibigla sa mga napakabilis na mga pangyayari at sa pagdami ng mga kaso ng COVID 19 sa ating bansa, lalo na sa paglapit nito sa ating lungsod. Inuulit ko, sa ngayon, wala pang positibo sa COVID 19 sa Meycauayan. Lahat ng ating mga hakbangin ay pinag-iisipan, may angkop na konsultasyon, at iniaayon sa prosesong dapat sundin sang-ayon sa itinalaga ng batas.

Mga kapuwa ko Meycaueño, ang obligasyong ito ay hindi kakayanin ng iisa lamang o nakaatang sa balikat ng iilan lamang. Kabahagi po ang bawat Meycaueño hindi lamang sa pag-unawa ng mga kakaibang hakbangin na kailangang ipatupad at sundin ngayon, kundi pati na rin sa pagmungkahi ng mga doable solutions sa ating kakaibang kalagayan.

Mag -share po tayo sa FB page natin ng mga fact -based na impormasyon at mga malikhaing paraan o creative solutions para sa pag-iwas sa COVID 19 at para kayanin nating lahat ang mga hamon sa pagsunod sa ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE. Hindi ito ang panahon para magwatak-watak at ilaglag o i-kumpara ang inyong lungsod sa ibang mas mauunlad na mga lungsod sa Kalakhang Maynila. Para sa aking mga hindi napapagod na bashers, paki- channel na lang po ang mga energies na yan sa mga positibong paraan. Sana magtulungan tayo.

Vitamins po natin ang mga acts of kindness and volunteerism na dumadaloy din naman sa panahon na ito ng krisis. Sa taho vendor na libreng nagpamigay ng taho sa mga security at health personnel natin sa checkpoint, pinatutulo mo ang mga luha namin sa iyong pagmamalasakit. Gayundin, taos-puso ang aking pasasalamat sa mga nagdodonate ng mga alcohol at disinfecting solutions at nagbibigay ng mga pagkain sa lahat nating personnel sa ating 24/7 na checkpoints. Hindi ko na po iisa-isahin ang mga benevolent souls na nagdonate ng mga kaban-kabang bigas at canned goods na nagdadatingan na wala man lang pasabi.

MARAMING-MARAMING SALAMAT PO SA INYONG LAHAT. 

Pagpalain kayo ng Panginoon ng ilang ulit pa sa ipinamigay ninyo sa panahong ito ng matinding pangangailangan.

Pakatandaan po sa ating pagbangon at sa araw-araw nating pagkilos sa krisis ngayon, na mahabagin ang ating Panginoon at hangad niya ang kaligtasan ng bawat isa sa atin.

Lubos na nagmamalasakit at gumagalang,




LINABELLE RUTH R. VILLARICA
Punong Lungsod ng Meycauayan

22 Marso 2020