Opisyal na Pahayag mula kay Mayor Linabelle Villarica kaugnay sa COVID-19
Pakikipagpulong ni Mayor Linabelle Villarica kasama ang City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) |
Ang ating Lungsod ng Meycauayan ang siyang gateway patungo sa Metro Manila. Marami itong implikasyon sa mga ipinapatupad ng ating Pamahalaang Nasyonal hinggil sa pagpigil nito sa paglaganap ng sakit na COVID-19 sa ating bansa.
Mabuting alalahanin na hanggang sa mga oras na ito, nanatiling COVID-19 FREE ANG LUNGSOD NG MEYCAUAYAN. Ito’y dahil na rin sa maagap nating pag-aksyon katuwang ang iba’t ibang kawani ng pamahalaang lokal.
Nang ang hindi pa napapangalanang Novel Coronavirus ay nasa Wuhan, China pa lamang, alerto na tayong naglabas ng instructional video mula sa World Health Organization sa ating Facebook (FB) page at sa City Hall lobby tungkol dito.
Agad din akong nakipagpulong sa ating City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) sa mga posibleng hakbanging upang ito’y hindi lumaganap sa atin. Tayo’y sumunod din sa mga direktiba ng Department of Interior Local Government (DILG), at sa mga advisory ng Department of Health (DOH). Namigay rin tayo ng mga thermal scanners sa lahat ng ating mga pampublikong paaralan.
Ngayon ang panahon para pagbuklurin ang ating talino, puso, at lakas para manatiling ligtas ang ating mga tahanan at pamayanan laban sa Covid 19. Kaugnay nito, aking nilagdaan ang Executive Order sa pagbuo ng ating Inter-agency Task Force (IATF) on Covid 19, at ang mga sumusunod ang mga paunang hakbangin na ipatutupad ko sa ating lungsod:
1. HAKBANGIN PARA SA KALIGTASAN NG ATING MGA KABATAAN. Sinuspinde ko na ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan, pampubliko at pribado, hanggang ika-14 ng Abril 2020 sa ating Lungsod, alinsunod sa iminungkahi ng Department of Education sa NCR.
Ipagpapaliban din natin ang mga malakihang graduation at moving-up ceremonies hanggang sa ika-14 ng Abril, 2020. Ibinibigay ko ang pagpapasiya sa mga paaralan at PTA kung tuluyan na nilang kakanselahin ang mga nasabing okasyon o kaganapan.
Nitong Marso 11, 2020, sa ating pagtawag ng City Peace and Order Council (CPOC), binilinan ko ang ating mga punong barangay na tiyaking walang pagala-galang mga kabataan sa ating mga lansangan. Sila din ay aking inatasan na paalalahanan ang mga magulang sa kanilang nasasakupan na huwag hayaang nakatambay sa labas ang kanilang mga anak. Ilan sa mga kasapi ng CPOC ay ang mga hepe ng PNP Meycauyan, BJMP, BFP, at Meycauayan Traffic & Parking Bureau.
2. PAGBABAWAL SA MGA MALAKIHANG PAGTITIPON. Ipinagbabawal na din po natin ang mga malakihang pagtitipon sa ating lungsod kabilang na ang lokal na pamahalaan alinsunod sa direktiba ng DILG.
3. DISINFECTION MEASURES. Nakatakda na ang tuluy-tuloy na disinfection sa ating mga pampublikong lugar. Kabilang sa uunahin ay ang mga health centers at tanggapan ng mga barangay dahil sila ang unang lalapitan at pupuntahan ng mga posibleng makakaranas ng mga sintomas ng sakit na Covid 19.
4. REFERRAL TESTING PARA SA MGA POSIBLENG MAY SAKIT NA COVID 19. Gaya nang una ng ibinalita dito sa ating FB page, ang ating mga barangay ang siyang magiging paunang takbuhan ng ating mga kababayan hinggil sa mga posibleng may sintomas ng sakit na Covid 19. Magiging katuwang nila ang mga nakatalagang Barangay Health Workers sa kanilang nasasakupan.
Kung kayo ay may pangambang nakakaranas ng mga sintomas ng sakit na Covid 19, huwag po kayong mag-atubiling puntahan ang pinakamalapit na Barangay Health Center sa inyong lugar upang magpasuri. Gayundin naman, kapag kayo ay may alam na posibleng may mga sintomas na sakit na Covid 19, agad po ninyong ipagbigay alam sa inyong Barangay ang lokasyon at pangalan ng nasabing tao upang agad na masuri ng ating mga Barangay Health Workers. Sila naman ang siyang maglalapit at magbibigay impormasyon sa ating City Health Office.
Tayo po ay may nakalaang ambulansiya na siyang maghahatid sa Bulacan Medical Center ng mga posibleng may sakit na Covid 19, na siya namang awtorisado ng DOH na magsagawa ng Covid 19 testing at confinement ng mga may sakit na ito.
5. PRICE MONITORING & HOARDING INVESTIGATION. Nais ko pong ipagbigay alam na patuloy nating minomonitor ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Tayo po, sa pamamagitan ng Business Permit & Licensing Office, ay patuloy na nagsasagawa ng monitoring at imbestigasyon sa mga warehouse upang maiwasan ang “hoarding” ng mga importanteng produkto at supplies tulad ng alcohol, tissue at iba pang disinfectants at mga pangunahing bilihin.
Mananagot ang mga mapapatunayang naghohoard ng mga nasabing produkto sa ilalim ng R.A. 7581 at Revised Penal Code at sila ay maaring magmulta na aabot sa DALAWANG MILYONG PISO, kabilang na ang pagkumpiska sa produktong ini-hoard nila, pagpapasara ng kanilang tanggapan, pagkansela ng kanilang permit, at higit sa lahat - pagkakakulong ng hindi bababa sa Anim na Buwan.
6. MGA HAKBANG LABAN SA FAKE NEWS PUSHERS. Patuloy nating inihahatid ang mga direktiba at tamang impormasyon mula sa DOH at iba pang ahensiya ng ating Pamahalaan sa ating FB page upang lahat ay maging armado sa tamang kaalaman tungkol sa Covid 19.
Kaugnay nito, ating kakasuhan sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang sino mang magpapalaganap ng mga maling impormasyon o “Fake News”.
7. PERSONAL PREVENTION MEASURES. Mahalaga ring ating ugaliing ipatupad ang mga sumusunod:
a) pagpapairal ng “social distancing” o ang paglalagay ng distansiyang isang metro sa ating mga katabi sa mga pampublikong lugar;
b) madalas na paghuhugas ng mga kamay at pagpapanatili ng malinis na personal hygiene;
c) pagpapalakas ng ating resistensiya sa pamamagitan ng pag-eehersisyo, pagkain ng tama at pag-inom ng vitamins at iba pang gamot na magpapalakas sa ating immune system; at
d) agarang pagkonsulta sa doktor kapag tayo ay may nararanasang sintomas ng sakit na Covid 19.
Batid ko na hindi madali ang ating pinagdadaanan dahil sa paglaganap ng sakit na Covid 19. Marami na tayong pinagdaanang unos at sakuna sa mga nakalipas na panahon. Sa panahon ng krisis nabubunyag ang ating pagkatao. Umaasa akong malalagpasan nating mga Meycaueños ang kakaibang unos na ito nang may kakaibang pagtutulungan, hindi pagkakaniya-kaniya. Kakaibang pakikipagkapuwa, hindi pagsasamantala. Kasama po natin ang Panginoon, magpakatatag po tayo.
#Walangpasok